Vendor nagtangkang tumalon sa bus, todas

NASAWI ang tindera ng gulay makaraan niyang tangkaing tumalon mula sa bus na nawalan ng preno sa Naga City, Cebu nitong Huwebes ng madaling araw. Tatlong iba pang pasahero ang nagtamo ng bahagyang sugat sa katawan.

Ayon sa pulisya, tinatahak ng bus ang madilim na bahagi ng Sitio Gaway-gaway sa Brgy. Uling nang pumalya ang brake nito alas-3:45. Patungo sa Cebu City mula Toledo City ang sasakyan.

Nang malaman ng vendor ang nangyayari ay nag-panic ito at tinangkang tumalon palabas.

Dahil dito ay nawalan ng pokus sa pagmamaneho ang driver na si Derold Geraldez, 37, kaya bumangga ang bus sa isang pader bago sumalpok sa gilid ng burol. Ayon sa driver, posibleng humampas ang ulo ng biktima sa pader.

Naitakbo pa sa pagamutan ang biktima pero hindi na naisalba ng mga doktor ang buhay nito. Dinakip si Geraldez at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries.