Lumunok ng $300 na OTS screener kakasuhan; kasabwat di palalagpasin

DISMAYADO si Transportation Secretary Jaime Bautista sa Office for Transportation Security (OTS) bunsod ng sinasabing nakawan sa NAIA Terminal 1 na nahuli sa CCTV.

Ayon kay Bautista, paano nga naman anya kakagatin ang promosyon na pamahalaan ng mga investors mula sa ibang bansa kung ganitong mga insidente ang sasalubong sa mga airport.

Kumalat sa social media ang CCTV footage sa NAIA Terminal ng isang empleyado ng OTS habang nilulunok ang $300 na ninakaw diumano mula sa isang Chinese na palabas ng bansa.

Dahil dito, iniutos ng DOTr na sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang OTS screener na nahuli sa akto.

Inatasan din ni Bautista DOTr Undersecretary for legal Reinier Yebra na kasuhan din ang mga sinasabing kakutsaba ng screener.

Kailangan din anya na bigyan ng maximum penalty ang mga ito sa sandaling mapatunayan na nang-abuso, bilang pagpapatunay na seryoso ang kanyang tanggapan na tanggalin ang mga scalawag sa ahensya.