Bagong Normal

Inayawan natin masamang ugali:
Ayaw pumarehas gusto’y kabig lagi;
Bawat saglit, gabi, umaga’t tanghali
Naaadik silang manlamang ang gawi.

Gamit ang posisyong pribado’t publiko
Sinosyal kapital pagluklok sa Trono,
Mga transaksyones sa bawat proyekto
May katkong sa kaban ang poder ay kopo.

Ang hepe’t kalihim tapat na kasabwat
Ng tagapangulong adyenda’y paglimas
Para sa sarili’t mga kamag-anak,
Materyosong tunay hilig magpasikat.

Kung dati ang normal sa dambong sinanay
Ugaling matino ngayon ay abnormal.
Pagligtas sa CoViD di naging kalansay
Sa limot ang libing ng budhing namatay.