Pagasa: Araw ng Pagkabuhay ‘hot and dry’ 

ASAHAN na ang mainit at maalinsangan na Araw ng Pagkabuhay, ayon sa Pagasa weather bureau.

Sa kabila nito, dagdag ng Pagasa, makararanas ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ng maulap na papawirin at posibleng pag-ulan mula ngayong araw ng Huwebes hanggang Sabado.

Samantala, nagpaalala ang weather bureau  sa publiko na mag-ingat laban sa banta ng init lalo na sa susunod na buwan.

Ani Pagasa weather specialist Veronica Torres na kadalasang naitatala ang pinakamataas na temperatura tuwing buwan ng Abril o Mayo.

“Usually ang maximum temperature natin nire-record natin kung hindi man May o April, kaya nararapat maingat na rin po tayo sa banta ng init. Laging magpayong paglabas ng bahay at uminom,” sabi ni Torres.