Xian Gaza sinermunan si Paolo: Sobrang hirap maging ina, regular na sustento na lang sana

MAY payo ang social media personality na si Xian Gaza sa aktor na si Paolo Contis: Magpadala ka ng sustento kada buwan sa mga anak mo!

Sa isang sulat para kay Paolo sa Facebook, sinabi ni Xian na naiintindihan niya ang rason ni Paolo kung bakit hindi ito nagbibigay ng tulong-pinansyal sa dalawang anak nito kay Lian Paz at isang anak kay LJ Reyes.

“Maaaring lulong sa sugal si babae or sinusunog lamang niya ang pera sa mga luho o baka naman may lalaki siya na pinagkakagastusan. Hindi napupunta sa kapakanan ng mga anak mo ‘yung pera. Those are the possibilities. Nauunawaan kita,” ani Xian.


Pero, dagdag niya, obligasyon pa rin ni Paolo na magpadala kada buwan para sa gastusin ng mga bata.

“Kung saan ito gagastusin ni babae eh is not your problem anymore. Labas ka na dun. Diskarte na nila yun. Iniwanan natin sila ng mga anak na papalakihin ng ilang taon at araw-araw aalagaan habang tayo ay nagbubuhay-binata eh that’s the least that we can do for them.Sobrang hirap maging ina jusko! Regular sustento na lang sana,” ani Xian.