Richard ilalaban kustodiya sa 2 anak

KUNG paniniwalaan ng publiko ang bagong pahayag ni Cristy Fermin, magsasampa ng child custody case ang aktor na si Richard Gutierrez para mapunta sa kanya ang pangangalaga ng dalawang anak nito kay Sarah Lahbati.

Sa kanyang YouTube vlog na “Showbiz Now Na,” sinabi ni Cristy na uunahin na raw muna ni Richard ang child custody bago ang annulment ng kasal nito kay Sarah.

“Kalat na po ang kuwentong ito at nakarating din po sa amin. Mukhang magkakatuluyan na po ang pagsasampa ng reklamo o kaso ni Richard Gutierrez para sa child custody,” anunsyo ng showbiz columnist.

“Maaaring ‘yung annulment po siguro ay mapapahuli pa dahil may kumokontra sa panig ni Richard ‘di ba? Pero ‘yung sa child custody, maganda na rin naman ‘yun,” hirit pa ni Cristy.

“Kung sa kanyang palagay at kanyang pagtimpla ay hindi masyadong nabibigyan ni Sarah Lahbati ng atensyon ang kanilang mga anak, mas maganda kung nasa kanya, hindi ba?” dagdag chika pa niya.

Sa kasalukuyan ay nagsasalitan sa pag-aalaga sina Richard at Sarah sa mga anak na sina Zion, 10 at Kai, 5.