Pagpaparetoke ng ilong ni Inutz libre lang

INAMIN ng komedyana at social media personality na si Madam Inutz na libre lang ng ineendorso niyang aesthetic at wellness center ang pagpaparetoke ng kanyang ilong.

“So why not ‘di ba! Hindi maglalabas si Madam Inutz ng daang daang libo para lang sa ilong ko,” chika niya sa Facebook post.

Dagdag ni Inutz, Daisy Lopez sa totoong buhay, na matagal na niyang pangarap na sumailalim sa rhinoplasty.

Aniya pa, pampadagdag kumpyansa ito sa kanya lalo na’t public figure na siya.

“’Wag niyong mamasamain ‘yung mga taong gustong magpaayos ng kanilang mga itsura. Siyempre dagdag confidence din. Hindi naman porke’t nagpagawa ka is hindi ka na kuntento sa kung ano man ang meron ka,” paliwanag niya.

“Siyempre bilang public figure ka na, bilang kilala ka na, nandun na rin ‘yung kailangan mo na ring magpaganda at i-upgrade ‘yung sarili mo, ‘di ba. The more na maganda ka, the more na offer na darating sa ‘yo,” dagdag pa ng dating PBB housemate.