Lola ni Jake Zyrus pumanaw; ina nangangalap ng abuloy

SUMAKABILANG buhay nitong Linggo ang lola ni Jake Zyrus na si Teopista Pineda Relucio.

Pumanaw si lola Tess sa Lopez, Quezon, ilang araw bago ang kanyang ika-75 na kaarawan sa April 7.

Ayon sa ina ni Jake na si Racquel Pempengco, wala silang komunikasyon ng anak na singer kaya hindi siya sigurado kung alam na nito ang pagkamatay ng lola.

Inamin naman ni Gng. Pempengco na kabilang sila sa mga nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya kaya hindi pa sila makapagdesisyon kung ano ang gagawin sa labi ng matanda.

Aniya, sa mga nais tumulong ay maaaring magpadala ng abuloy sa kanyang Gcash number na 09956497143.

“Tatanawin ko itong isang malaking utang na loob,” dagdag ni Gng. Pempengco.

Hindi naman niya sinabi kung ano ang ikinamatay ng ina, na mayroon na umanong demetia bago namayapa.