3 babae sa buhay ni Vhong suportado isa’t-isa

INIHAYAG ng misis ni Vhong Navarro na nakasuporta sa kanilang mag-asawa ang mga ina ng dalawang anak ng nakadetine na TV host-actor.

Sa isang panayam, sinabi ni Tanya Winona Bautista-Navarro na naging sandigan niya ang mga ina nina Yce at Fredriek.

“Sobrang supportive,” aniya kina Bianca Lapus at sa non-showbiz ex ni Vhong.

“Alam mo, para kasi kaming family, e. So, siyempre, may time na mas focus ako kay Vhong. Talagang inaano nila, ‘Huwag kang mag-alala. The boys are okay,’ ganyan. Sila talaga constantly tsini-check kami,” sabi ni Tanya.

Samantala, inamin niya na wala pang kasamahang host sa “It’s Showtime” na dumadalaw kay Vhong sa National Bureau of Investigation detention facility.

“Wala pang pumupunta kasi ano pa lang naman… Pero yung messages nila, ipinaparating nila through me. Very supportive sila. Minsan nga, alam mo yung ramdam mo sa kanila na hindi nila alam kung anong klaseng words ang ipapadala nila that may comfort me,” paliwanag ni Tanya.

“Pero yung simpleng prayer for that day, ise-send lang sa iyo. Alam mo na ‘yun lang pala ang kailangan mo for that day,” dagdag niya.