Online seller dinukot, sinunog ng 3 pulis

ARESTADO ang tatlong pulis at isang sibiliyan na kabilang sa grupo na umano’y kumidnap at pumatay sa isang online seller ng mga alahas.


Kinilala ang mga suspek na sina SSgt. Benedict Reyes ng Santa Rosa Municipal Police Station; SSgt. June Malillin ng Palayan City Police Station, at Cpl. Julius Alcantara ng Police Provincial Drug Enforcement Unit ng Nueva Ecija Provincial Police Office.


Nasakote ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group si Reyes noong Huwebes at sina Malilin at Alcantara noong Sabado.


Timbog din ang caretaker ng bahay kung saan dinala ang biktima.


Pinaghahanap pa ng mga otoridad sina MSgt. Rowen Martin at SSgt. Drextemir Esmundo na sangkot din sa pagdukot at pagpatay sa biktimang si Nadia Casar.


Ayon sa ulat, sakay ng Grab car si Casar nang harangin ng limang armado sa Sta. Rosa, Nueva Ecija noong Hulyo 20.


Sapilitang kinuha ng mga salarin ang online seller ay isinakay sa pick-up truck.


Kinalaunan ay natagpuan ang sunog na bangkay ng biktima sa Palayan City.