Kelot sinaksak ng lolo ng kutsara

SUGATAN ang 30-anyos na lalaki makaraang saksakin ng kanyang lolo gamit ang kutsara sa Claveria, Cagayan nitong Huwebes.

Hindi kinilala ang biktima na agad na naisugod sa ospital at ang suspek na dinakip at inasunto ng frustrated homicide.

Ayon sa ulat, nag-iinuman at nagkakantahan ang biktima at mga kabarkada nito Huwebes ng gabi nang dumating ang 67-anyos na suspek.

Nainsulto umano ang matanda nang isa-isang mag-uwian ang mga nag-iinuman at patayin ang videoke machine.

Sa inis, niyugyog ng suspek ang kanilang gate kaya kinausap ng apo na sinabing patapos na talaga ang inuman.

Nagdilim ang paningin ng matanda sa narinig, bumunot ng kutsara at sinaksak ang kanyang apo.