Lalaki tinodas ng holdaper; pera pampaospital ng anak tinangay

DEAD on arrival sa pagamutan ang isang padre de pamilya na binaril sa ulo ng mga hinihinalang holdaper sa Matalam, North Cotabato kamakailan, ayon sa pulisya.

Itinakbo ng mga suspek ang motorsiklo ng biktima at hindi pa mabatid na halaga ng pera na inutang niya para pampaospital sa anak na may sakit.

Ayon sa ulat, sakay ng motorsiklo si Rocsel Pongyan nang tabihan siya ng riding-in-tandem at barilin sa Brgy. Lampayan.

Napag-alaman na kagagaling lang ng biktima sa tao na inutangan niya ng pera. 

Makaraang kunin ang pera at motosiklo, tumakas ang mga suspek at iniwang nakahandusay sa kalsada ang duguang katawan ng biktima.

Naitakbo pa sa pagamutan ang biktima subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente.