Babae pinuluputan ng kable, sinaksak sa leeg

CRIME of passion ang tinitingnang anggulo ng pulisya sa pagpatay sa isang empleyada ng bar na sinaksak at pinuluputan ng kawad ng mikropono sa leeg sa Bangkal, Makati nitong Sabado.

Tinutugis na ng pulisya ang suspek, isang trabahador ng radiator shop sa Evangelista st.

Sa barracks ng shop natagpuan ang bangkay ng biktima.

Ayon sa ulat, Sabado ng umaga nang hanapin ng isang katrabaho ang suspek.

Nang buksan nito ang kuwarto ng suspek ay tumambad dito ang duguang katawan ng biktima.

“Na-discover po itong dead body na ito ng isang katrabaho ng ating person of interest. Pupunta sana siya sa kwarto para gisingin itong person of interest natin, itong suspect. Ang nakita niya is babae. Sabihin natin na parang patay daw. Kaya sa takot niya, tumawag kaagad sila sa barangay,” ani Col. Edward Cutiyog, hepe ng Makati City Police.

May nakapulupot na kurdon ng mikropono sa leeg ng biktima na sinaksak din.

Nang busisiin ang CCTV footage, nakita na bago nadiskubre ang bangkay ay nakitang lumabas ng kuwarto ang suspek bitbit ang mga gamit.

Sinabi ng mga empleyado ng radiator shop na madalas makitang magkasama ang suspek at ang biktima, na nagtatrabaho sa katabi nilang resto-bar.

“Kung minsan pa ay pumupunta itong babae sa radiator shop na pinagtatrabahuhan nitong lalaki,” ani Cutiyog.

Tinutugis na ng pulisya ang suspek.