People’s Reform Party ni Miriam Santiago suportado si Sara

SUSUPORTAHAN ng People’s Reform Party (PRP), isang national political party na itinayo ng yumaong Senador Miriam Defensor-Santiago, ang posibleng kandidatura ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa isang press briefing kahapon, sinabi ni PRP president Narciso Santiago, mister nang yumaong senador, na suportado ng partido si Sara sa paniwalang kaya nitong ituloy ang mga adbokasiya at prinsipyo nang yumaong asawa.

Naniniwala rin si Santiago na pakikinggan ni Sara ang panawagan sa kanya ng maraming mamamayan na tumakbo at maging kahalili ng kanyang ama sa Malacanang sa darating na 2022 elections.

Matatandaan na noong December 2018, nag-alyansa ang PRP at ang noo’y regional party pa lamang na Hugpong ng Pagbabago para sa 2019 elections. Ayon kay Santiago, posibleng muling buhayin ng dalawang grupo ang alyansang ito.

Ipinakilala rin ng partido ang kaisa-isang senatorial candidate nito na si Presidential Spokesperson Harry Roque.