Sa tagal mag-CR, lalaki tinaga ng ama

INABOT ng halos isang buwan sa ospital ang 31-anyos na lalaki na pinagtataga ng kanyang ama na nagalit dahil sa tagal ng paggamit niya ng banyo.


Inamin naman ng ama, 78, ang kanyang ginawa at sinabing nagdilim ang kanyang paningin dahil sa sobrang tagal sa banyo ng kanyang anak.


Ginawa ng matanda ang pag-amin sa pagdinig ng kaso sa Hong Kong District Court kamakailan.


Base sa court records, nagsisigarilyo ang biktimang si Wong Wa-lee sa loob ng comfort room nang dumating ang kanyang ama na si Wong Pak-chung at sinabing gagamit ito ng banyo.


Nakailang-ulit umano na nagsabi ang matanda pero hindi ito pinansin ng anak.


Maya-maya pa ay kumuha na ng kutsilyo ang matanda at pumasok sa banyo, na noon ay nakabukas, saka pinagtataga ang anak.


Kahit tadtad ng mga sugat sa katawan at ulo ay nakatawag sa pulisya ang biktima.


Dinakip ng mga rumespondeng pulis ang suspek at dinala sa ospital ang biktima.