CR sa MRT-3 kakabitan ng bidet


IPINAG-UTOS ni Transportation Secretary Jaime Bautista na kabitan ng bidet ang mga restroom sa lahat ng istasyon ng MRT-3.

Sinabi ni Bautista na sa kanyang pagbisita sa mga istasyon ay nadiskubre niyang malinis at maayos naman ang mga restrooms pero kulang sa mga amenities.

“Nakita ko na malinis na ‘yung ating mga comfort rooms pero kulang ng amenities, so I already discussed this with Usec. Cesar Chavez and immediately they will install bidet doon sa mga comfort rooms natin,” aniya.

Idinagdag niya na ilalabas mula sa paid area ang customer assistance desk para mas marami ang maka-access dito.

“Yung mga customer service area nila, nandoon lang sa tinatawag na paid area, so ‘yung makapagtanong lang ay ‘yung mga nakapagbayad na, ‘yung mga nakapila, hindi nila makakusap ‘yung mga employees ng MRT,” ani Bautista.

Ipinag-utos din niya na lagyan ng medical equipment para sa emergency cases ang lahat ng 26 istasyon ng MRT-3.

“‘Yung equipment na ‘yan hindi naman masyadong mahal para we can provide these medical equipments sa lahat ng stations, which they will consider,” ayon sa opisyal.