Boobay hinimatay sa entablado

NAWALAN ng ulirat ang komedyanteng si Boobay habang nagho-host ng event sa Aparri, Cagayan nitong Martes, Mayo 7.

Sa Facebook live ni Vice Mayor Rene Chan, makikita ang mga komedyanteng si Pepita Curtis at Boobay na nasa entablado nang biglang himatayin ang huli.

Bago nawalan ng malay ay tumigil muna sa pagkanta si Boobay habang nakatutok ang kamera kay Pepita. 

Makalipas ang ilang segundo ay natumba si Boobay kaya agad siyang sinaklolohan ni  Pepita at mga staff members ng palatuntunan.

“Naano lang po siya, na-out of balance,” ani Pepita.

Matapos mahimasmasan, bumalik si Boobay sa entablado at ipinagpatuloy ang kanyang hosting kasama si Pepita.

Sa X/Twitter, tiniyak ni Pepita na maayos ang kalagayan ni Boobay pagkatapos ng insidente.

“Sa mga taga-Aparri, maraming salamat po!!! OK na po si Boobay nagpapahinga na po dito sa hotel. Maraming salamat po!!! God bless po!!!” aniya.

Magugunita na noong April 2023 ay nagkaroon ng seizure si Boobay sa kalagitnaan ng kanyang panayam sa “Fast Talk With Boy Abunda.”

Sey ni Boobay, epekto ito ng stroke na naranasan niya noong 2016.