Anak sumagot nang pabalang, kinatay ni tatay

SINAKSAK at napatay ang isang lalaki ng kanyang sariling ama sa gitna ng away-pamilya sa Navotas City nitong Lunes.

Ayon sa ulat, nagkasagutan ang live-in partner ng biktima at ang pinsan niya sa labas ng kanilang tinitirahang bahay sa Brgy. Tanza Dos.

Nang marinig ang away, agad lumabas ang suspek para pahintuin ang dalawa pero pinagsabihan siya ng anak na huwag nang makialam.

“Itong victim nakialam din at inawat ‘tong kanyang tatay at sinabing ‘wag na lang pakialaman ang away,” ayon sa pulis.

Nagpanting ang tenga ng matanda, kumuha ng patalim at sinaksak ang anak sa dibdib.

Dead on arrival sa ospital ang biktima dahil sa saksak sa puso.

Umamin naman sa krimen ang suspek at sinabing nagawa lang niya iyon dahil sa tinuran ng anak.

“Sinagot ako ng ‘Ano’ng pakialam mo? Papansin ka pa. Banatan kita e’. Parang nagpanting ang pandinig ko. Kinuha ko yung panghiwa ng sibuyas. Hindi na po [ako nakapagpigil] kasi nabigla din ako sa salita n’ya e,” ayon sa suspek.

Nahaharap siya sa kasong parricide.