P366M jackpot sa lotto kinolekta ng Nueva Ecija bettor

KINOLEKTA na ng isang mananaya mula sa Nueva Ecija ang kanyang napanalunang P366 milyong jackpot mula sa Ultra Lotto 6/58 na binola noong Hunyo.

Kinuha ng 40-anyos na mananaya ang kanyang premyo noong Hulyo 6 sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa Mandaluyong City.

Siya ang solo winner sa bola noong Hunyo 30 na may winning combination na 43-58-37-47-27-17.

Kwento ng winner na ibinuhos niya ang P100 na taya sa apat na sets ng kanyang inaalagaang numero habang ang isang set naman ay mula sa lucky pick.

Balak niya umanong gamitin ang bahagi ng napanalunan para makatulong sa mga nangangailangan.

“Hindi ko pa alam sa ngayon kung paano ko iha-handle ang ganito kalaking pera. Pero syempre, unang una, tutulong tayo sa kapwa, magbabahagi tayo dahil alam ko may plano si Lord bakit tayo biniyayaan ng ganito. Huwag po tayong mawalan ng pag-asa. May mga pagkakataon po na nanghihinayang tayo kasi hindi tayo tumama, pero lagi po nating isipin na bawat taya po natin, nakakatulong po tayo sa kapwa.” pahayag ng bagong multi-millionaire.