Hindi sinipot ng BF, dalagita nagpanggap na kinidnap

“KIDNAP-ME.”


Ganito ilarawan ng Davao City Police ang kaso ng high school student mula sa Valencia City, Bukidnon na umano’y dinukot ng mga kalalakihan na sakay ng puting van.


Ayon sa ulat, natagpuan ng mga pulis na umiiyak ang dalagita sa gilid ng kalsada kaya dinala nila ito sa Ecoland police station.


Sa presinto, isiniwalat ng menor de edad na dinukot siya sa Valencia, isinakay ng van saka dinala sa Davao City.


Nakatakas lamang siya sa tulong mga concerned citizens.


Pero dahil sa paiba-iba ang kuwento ng bata ay naghinala ang mga pulis.


Kalaunan ay inamin ng dalagita na hindi siya kinidnap kundi kusang nagpunta sa Davao para katagpuin ang kanyang boyfriend na nakilala lang niya sa social media.


Hindi aniya siya sinipot ng boyfriend sa kanilang tagpuan kaya nagpagala-gala siya sa siyudad dahil wala nang pamasahe pauwi ng Bukidnon.


Hindi kinasuhan ng mga pulis ang bata sa pagsisinungaling bagkus ay tinulungan nila ito na makabalik ng Valencia.