Magka-live-in sugatan sa ambush

SUGATAN ang tricycle driver at kanyang live-in partner makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Siaton, Negros Oriental nitong Lunes, iniulat ng pulisya.


Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan sina Ferdinand Libunao, 49 at Deborah Anubling, mga residente ng bayan ng Bacong, at nagpapagaling na sa pagamutan.


Pinaghahanap naman ng pulisya ang kanilang babaeng kapitbahay na hinihinalang utak sa tangkang pagpatay.


Napag-alaman ng mga imbestigador na bago ang pamamaril ay inupahan si Libunao ng kapitbahay upang ideliber ang mga gamit nito sa Siaton.


Pagdating sa lugar ay huminto sa gilid ng kalsada ang kapitbahay, na sinamahan ang mag-asawa sa paghahatid sakay ng motorsiklo, saka tumawag sa cellphone.


Maya-maya pa ay dumating ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang mga biktima.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa pamamaril.