Pagpapakilala

(Editor’s note: Si Roberto “Abet” Umil ay isang premyadong makata (Palanca at Gawad Ka Amado); filmmaker, singer, at guro sa Polytechnic University of the Philippines.)

Magandang araw po mga mambabasa,
Balitaan online sa website ng masa–
Ang PinoyPubliko. Di maaaksaya
Nitong aking kolum ang inyong hiraya.

Pag-apak sa lupa tema ng pagsulat,
Patulang talakay asahan ang bigat
Kahit karaniwan layon ng urirat
Na mga usaping sanhi ng pagmulat.

Manunulat akong mahilig sa tugtog,
Isa ring filmmaker: sa ganitong hulog
Ang aking pagsipat gayon din ang tuos
Sa tanaw at tindig bawat saligutgot.

Kaya t’wing Huwebes humandang mag-scroll,
Subalit sa b’yahe ingatan ang cellphone!
Kung nasa bahay man tutok sa monitor
Ng inyong computer tayo’y rarakenrol.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]