Vice: Ion hindi nagseselos sa boy bestfriends ko

NAGPAPASALAMAT si Vice Ganda dahil hindi ang klase ng mister niyang si Ion Perez ang magseselos sa mga kaibigan niyang lalaki.

Sa “It’s Showtime” nitong Martes ay natalakay ang isyu ng mga boy at girl bestfriends ng mga taong may karelasyon.

Tanong ni Vice kay Ion: “Who’s your bestfriend?”

“Ikaw siyempre,” sagot ni Ion.

“E di may girl bestfriend ka nga which happens to be me,” hirit ni Vice.

Inihayag naman ng Unkabogable Star na hindi siya binabawalan ni Ion na magkaroon ng mga boy bestfriends.

“Ang dami kong best friends ‘di ba na mga lalaki. Si Coco Martin, si Billy Crawford tapos ikaw tsaka si Vhong ‘di ba? Parang ‘di ko ma-imagine na what if maging issue ‘yun tapos hindi ako payagan ni Ion na makipagharutan sa inyo rito sa Showtime,” aniya.

“Ang bigat nun ‘no? Major issue sa akin ‘yun pag sinabi ni Ion na, ‘Hindi ako kumportable na nakikipagharutan ka kay Vhong at tsaka kay Jhong’,” sey pa ng host-comedian.