Standee ng Gonzaga sisters binatok-batukan

ISINIWALAT ng veteran showbiz columnist na si Cristy Fermin na idinamay na sa politika ang negosyo ng magkapatid na Toni at Alex at Gonzaga, kapwa certified BBM supporters.

Sa kanyang radio show, sinabi ni Cristy na binabatukan umano ang mga standee ng magkapatid na para sa kanilang beverage business na Happy Cup.

“Alam naman po natin na meron silang negosyo, ‘yung Happy Cup. Tama po ba na ‘yung standee nila ay binabatukan para bumagsak? Tama po ba na parang tinitirador ang pangalan ng kanilang negosyo? Tama po ba na personalin natin dahil hindi nila kasama sa kulay pulitika si Alex at saka si Toni?” ani Cristy.

Nakiusap naman ang kolumnista sa publiko na ihiwalay ang personal na buhay ng mag-ate sa kanilang politika.

“Sana naman po, walang ganu’n kasi nagtatrabaho naman po nang patas ‘yung magkapatid. Naghahanapbuhay naman po sila at malaki ang naitutulong sa kanila ng Happy Cup. E bakit naman po natin idadamay ang walang kakibo-kibong lalagyan ng inumin?” depensa pa niya kina Toni at Alex.