Rommel Padilla itinangging pinagsabihan si Kathryn na tiisin pambababae ni Daniel

KINONDENA ni Rommel Padilla ang nasa likod ng viral quote card kung saan pinangangaralan umano niya si Kathryn Bernardo, ang ex-girlfriend ng anak niyang si Daniel Padilla.

Sa Facebook, umapela rin si Rommel sa mga netizens na huwag i-share ang post mula sa Showbiz Balita na ibinandera ang aniya ay pekeng quote mula sa kanya.

Shinare ni Rommel ang screen shot ng quote card na tinawag niya na fake news at scam.

“Ang post na ito ay scam. Maging mapanuri at matuto pong mag-research. Think before you click. ‘Wag magpa-loko,” aniya.

Sa isang hiwalay na post, sinabi niya na huwag ikalat ang pekeng quote card dahil “ito po ay may pananagutan sa batas.”

Ang mababasa sa kontrobersyal na quote card: “Puro kayo panghuhusga kay Daniel Padilla na cheater, kala nyo ang lilinis nyo. Ikaw Kathryn, alam mong gwapo yung anak ko, dapat expected mo na hindi lang ikaw ang babae nyan. Kung mahal mo talaga yung anak ko, hindi na dapat sa iyo big deal ang mga babae nya. Ang importante dyan ay ikaw ang pinakamamahal nya.”