Pokwang tikom sa dahilan ng hiwalayan sa American BF

NAGSALITA na si Pokwang kaugnay sa naunsayaming relasyon nila ng kanyang Amerikanong live-in partner na si Lee O’Brien.

Sa kanyang Instagram page, kinumpirma ng Kapuso comedienne na noon pang isang taon ay wala na sila ni O’Brien, pero hindi naman niya sinabi kung sino ang naunang umayaw at ang dahilan ng hiwalayan.

“Yes its been seven months since tapusin namin ni papang ang lahat, pero maayos at mapayapa,” aniya. “At bilang magkaibigan na lamang mas nagagampanan namin ang mga tungkulin bilang magulang ni Malia.”

Sabi pa niya: “Natapos man ito sa di inaasahang panahon hindi dito hihinto ang pagiging nanay ko sa mga anak ko. at mas lalo kong minahal ang mga biyayang sakin ay binigay ng panginoon.’

Iginiit din niya na hindi karma sa kanya ang sinapit ng pagsasama nila ni O’Brien.

“Sa mga single parent na kagaya ko hindi karma ang natapos na pagmamahalan kundi mas pinapatatag ka at pinaghahanda ka sa mas magaganda at mas maraming biyaya,” giit niya.

“Hindi karma ang mabiyayaan ka ng mga anak na nagpapasaya at nagpapangiti sayo araw araw at dahilan ng pagsisikap mo sa buhay,” pahayag pa ni Pokwang.