Lolit kay Bea: ‘I am very sorry’

HUMINGI ng paumanhin ang veteran show biz columnist at talent manager na si Lolit Solis kay Bea Alonzo sa mga “kagagahang” isinulat niya sa aktres.

Sa Instagram post, inamin ni Lolit na “OA” ang ginawa niyang mga pagbabatikos kay Bea na aniya ay nag-ugat sa mga pamba-bash sa kanya ng fans ng huli.

“Aminado ako na dahil lang sa pagpatol sa mga bashing ng fans kaya naging sunod sunod ang kagagahan sinulat ko kay Bea Alonzo. For that, I Am Very Sorry,” pagdidiin niya.

“Naisip ko na ang tinamaan si Bea Alonzo na puwedeng nasaktan dahil sa mga nasabi at nasulat ko,” dagdag niya.

Hirit pa niya: “Wala akong galit kay Bea Alonzo. Kung nasaktan siya, at ang mga nagmamahal sa kanya, I Am Very SORRY.’

Gayunman, itinanggi ni Lolit na binully niya si Bea dahil resulta lamang din umano ng kanyang “crooked sense of humor” ang pamimintas niya sa itsura at sa edad ng aktres.

“Ako na ngayon ang bully. Ako na ngayon ang may sala. To think na favorite loveteam ko ang John Lloyd Cruz at Bea Alonzo. To think na para sa akin isa si Bea sa may pinaka magandang mukha sa showbiz. Me and my crooked sense of humor na hindi makuha ng lahat,” paliwanag niya.

“Sad ako na itinuturing akong BULLY, dahil kahit kelan hindi naman nabago ang ugali ko,” dagdag pa niya.

Samantala, nakiusap si Lolit sa mga galit sa kanya na huwag nang idamay ang mga kaibigan niyang show biz writers na sina Gorgy Rula at Salve Asis sa isyu.

“Nagsimula sa akin, dapat sa akin din magtapos,” giit niya. “Ako lang ang may kasalanan, huwag na ninyo isali sila Salve at Gorgy.”