Jake Zyrus wala pa ring paramdam sa pamilya — ina

ITINANGGI ni Raquel Pempengco, ina ni Jake Zyrus, ang balita na nagparamdam at nagbigay na ng tulong sa kanila ang trans man singer sa pagkamatay ng lola at tiyo nito.

Sa isang panayam noong Sabado, sinabi ni Raquel na nagsinungaling ang manager ni Jake nang sabihin nito na nag-reach out na sa kanila ang anak.

“Ang hinanakit ko po, naglabas sila na nag-reach out sa amin,” ani Raquel. “Tinanong ko po ‘yung kapatid kong babae kung nag-reach out sa kanya ang kampo ni Charice, si Jake. Sabi niya, ‘Wala ate, walang nag-ano sa akin,’.”

Idinagdag ni Raquel na ngayon ay hindi na umaasa ang pamilya na makatatanggap pa sila ng tulong mula kay Jake.

“Kung ayaw niyang tumulong, magparamdam lang na kahit na, ‘Mommy o Carl, o Tita Neneng, nakikiramay ako, malayo ako rito’,” dagdag niya.

Ipinunto niya na hindi pera ang ipinaghihinanakit ng pamilya kay Jake.

“Sobrang sakit po. Kasi ang dapat na sasandalan ko ngayon ‘yung anak ko, pero wala siya. Hindi dahil sa pera, kundi sa nandyan siya,” dagdag ni Raquel.

Matatandaan na magkasunod na namatay ang lola at tiyo ni Jake na sina Tess at Robert noong isang linggo.