Cleanfuel: Dominic walang gas station; Xian Gaza nabutata

ITINANGGI ng Cleanfuel na nagmamay-ari ang celebrity na si Dominic Roque ng isang gasoline station ng nasabing kumpanya.

Sa kalatas, klinaro ng Cleanfuel na endorser lamang nila si Dominic at hindi binibigyan ng prangskisa ang mga nagpo-promote nito.

“CleanFuel strongly condemns the false accusations that involve its brand ambassador, Dominic Roque. We are categorically denying the allegation that Mr. Roque was given a Cleanfuel gasoline station,” pagdidiin ng kumpanya.

Paliwanag pa nito na “company-owned” ang Cleanfuel kaya “(it) does not provide nor extend franchise to anyone as claimed by some.”

“In his capacity as brand ambassador, Mr. Roque has worked and represented the brand professionaly for the past six years. His contribution has been vital to reflect the company’s image and brand success,” paglilinis pa nito kay Dominic.

Matatandaan na ipinagkalat ng social media personality na si Xian Gaza na niregaluhan umano si Dominic ng kanyang gay benefactor ng isang gas station ng Cleanfuel.

Ani Xian, napag-alaman niya na habang pinag-uusapan ang prenuptial agreement nina Dominic at noon ay fiancee nitong si Bea Alonzo ay idineklara raw ng aktor na mayroon ito na gas station.

Tumaas daw ang kilay ng kampo ni Bea, dagdag ni Xian, kaya pinaimbestigahan kung paano ito nagkaroon ng ganoong negosyo. Doon lumabas na bigay raw ito ng isang sugar daddy ni Dominic, pagsisiwalat ni Xian.

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang sagot si Xian sa nasagap niya na “kuryenteng” impormasyon.