Brenda Mage isinumpa nagnakaw ng alahas niya

ISINIWALAT ng komedyante at dating Pinoy Big Brother housemate na si Brenda Mage na ninakaw ang ilan sa kanyang mga alahas na nakatago sa kanilang bahay sa Jasaan, Misamis Oriental.

Ani Brenda, nakalagay ang apat na piraso ng alahas, kabilang ang panther ring na nagkakahalaga ng P120,000, sa isang velvet pouch at nakatago sa jewelry box.

Nadiskubre niya na nawawala ang mga alahas nitong Sabado dahil balak niyang isanla ang mga ito para pambayad sa mga gumagawa sa bahay ng kanyang dalawang kapatid.

Mayroon nang suspek si Brenda pero dudulog muna siya sa isang manghuhula para madetermina kung tama ang kanyang kutob.

Hindi naman sinabi ng komedyante kung kasama sa bahay o miyembro ng kanyang squad na Social Climbers ang pinagsususpetsahan niya.

Napag-alaman naman ng PUBLIKO na pinuntahan ni Brenda ang mga sanlaan sa Jasaan para itanong kung mayroong nagsanla ng mga nasabing alahas pero nabigo siyang malaman dahil polisiya ng mga pawnshop na ilihim ang mga bagay na naiprenda sa kanila.

Sa isang Live, sinabi ni Brenda na hindi siya masyadong naapektuhan dahil nawalan siya ng mga alahas, mas masakit aniya na nasira ang tiwala niya sa mga taong pinagkatiwalaan niya.

“Kung sino ka man, God bless you. Sana makunsensya ka sa ginawa mo. Okay lang na nawalan ako kasi kayang-kaya kong kitain ‘yan,” aniya.

“Pero sa nagnakaw sa akin, patuloy kayong magnanakaw. Magiging miserable ang buhay n’yo habambuhay kasi may naagrabyado at piniperhuwisyo kayong tao,” dagdag niya