Sinakmal ng selos, mister pinugutan si misis

KARIMA-RIMARIM ang naging katapusan ng isang ginang mula South Cotabato sa kamay ng kanyang mister.

Ayon sa pulisya, pinugutan ng padre de pamilya ang asawa sa kainitan ng kanilang away nitong Huwebes ng hapon sa Brgy. Klubi, Lake Sebu.

Napag-alaman na kinompronta ng suspek ang biktima kaugnay sa tsismis na mayroong lalaki ang huli.

Todo-tanggi naman si misis pero nanatiling sarado ang isip ng suspek kaya kumuha ito ng itak.

Nagawa pang makatakbo palabas ng bahay ng ginang pero naabutan ito ng asawa at tinaga.

Naaresto ang suspek matapos ang insidente. Inihahanda na ang kaso laban sa kanya, ayon sa pulisya.