Parak tinodas misis sa presinto

SHOOT sa selda ang isang pulis na bumaril at nakapatay sa kanyang misis sa loob mismo ng Naga police station sa Naga, Cebu nitong Pasko.

Nahaharap sa kasong parricide si S/Sgt. Fernando Mata, 39, nakatalaga sa nasabing police station.

Ayon sa ulat, nagtungo sa presinto ang misis ni Mata na si Heronia, 39, para sampahan ng reklamong paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and Children ang asawa.

Habang ipinakikita sa imbestigador ang mga pasa sa katawan ay biglang dumating ang lasing na si Mata at tinadtad siya ng bala.

Naitakbo pa sa ospital ang ginang pero hindi na ito naisalba ng mga manggagamot. Nagtamo siya ng mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Idiniretso naman sa kulungan ang suspek.
Napag-alaman ng PUBLIKO na inireklamo na rin ng biktima ang asawa pero binawi niya ito makaraang humingi ng tawad ang huli.