Lola ninakawan, grinipuhan ng dalagita

DINAKIP ang 14-anyos na dalagita na sinaksak umano ang senior citizen na ginang na kanyang pinagnakawan nitong Huwebes sa Minglanilla, Cebu.

Hindi kinilala ang suspek, isang Grade 8 student sa isang private school sa siyudad at residente ng Naga City.

Nasakote siya ilang oras makaraan ang krimen. Narekober sa kanya ang P10,500 cash na ninakaw sa biktima.

Nagtamo ng pitong saksak sa katawan si Loreta Istal, 65, at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital sa Talisay City.

Ayon sa ulat, pinasok ng suspek ang bahay ni Istal sa Poblacion Ward 4 alas-12 ng tanghali na armado ng mahabang kutsilyo.

Pinagbantaan niyang sasaksakin ang matanda kung hindi magbibigay ng pera pero nagmatigas ang biktima kaya ilang ulit itong tinarakan ng suspek.

Tumakas ang kawatan nang makuha ang itinatagong pera ni Istal.

Agad namang nasoklolohan ng mga kapitbahay ang biktima at nadala sa pagamutan.

Nai-turn over na sa Department of Social Welfare and Development ang suspek.