Lolo na may sakit lumaklak ng muriatic acid

DAHIL hindi na matiis ang karamdaman, kinalahati ng isang 65-anyos na lalaki ang bote ng muriatic acid sa Fuente Osmeña rotunda sa Cebu City nitong Biyernes ng gabi.

Agad namang naitakbo sa pagamutan ang biktima, residente ng Happy Valley, Brgy. Guadalupe, Cebu City.

Ayon sa security guard ng rotunda na si Alejandrio Bacayan, nakita niyang nangingisay ang matanda alas-6:30 ng gabi kaya nilapitan niya ito.

Isang bote ng muriatic acid ang nakita ng sekyu sa tabi ng biktima kaya agad niya itong dinala sa Cebu City Medical Center.

Sinabi ng pulisya na maliban sa bote ng asido, nakita rin sa tabi ng matanda ang isang sling bag at suicide note.

Base sa sulat, may iniindang karamdaman ang biktima at hindi na aniya matiis ang sakit kaya nagdesisyon siyang kitilin ang buhay.

Sa kasalukuyan ay inoobserbahan pa ng mga doktor ang kondisyon ng matanda.