Kelot sinapak barbero na gumupit sa anak

SINUNTOK ng padre de pamilya ang isang barbero na sinugutan ang 10-taong-gulang niyang anak habang ginugupitan sa Kalibo, Aklan kamakailan.

Agad namang inireklamo ng barbero, residente ng Brgy. Ortega, Libacao, ang suspek.

Ayon sa biktima, maliban sa panununtok ay umalis nang hindi nagbabayad ang suspek.

Sa ulat, ginugupitan ng barbero ang anak ng suspek sa Kalibo Shopping Center nitong Martes nang masugatan niya nang bahagya ang tenga ng bata.

Nagreklamo sa ama ang bata kaya kinumpronta nito ang barbero.

Pero bago pa nakaimik ang biktima ay binigwasan siya ng suspek sa mukha.

“Madidisgrasya ka sa akin,” banta pa umano ng suspek sa barbero.

Nang umalis ang mag-ama ay agad nagreklamo sa pulisya ang biktima.