Dalagita bugbog-sarado sa away sa lalaki

AWAY sa lalaki ang tinitingnang dahilan ng pambubugbog sa isang menor de edad ng dalawang babae sa Calinog, Ilolilo kamakailan.

Nagtamo ng mga kalmot at sugat sa mukha at katawan ang biktima, ayon sa pulisya.

Agad namang nadakip at nasampahan ng reklamo ang mga suspek, kapwa 21, at residente ng nasabing bayan.

Ayon sa ulat, kinompronta ng mga suspek ang biktima, ng bayan ng Lambunao, dahil sa pagiging malapit nito sa boyfriend ng isa sa kanila.

“Friends lang kami,” sabi ng biktima pero hindi naniniwala ang mga suspek at pinagtulungan itong sampalin, tadyakan, suntukin at sabunutan sa harap ng maraming tao sa plaza.

Kinalaunan ay naawat din ang mga suspek habang dinala sa pagamutan ang biktima bago ito nagreklamo sa pulisya.

Sinampahan ang mga suspek ng reklamong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination.

Paliwanag naman ng pinag-aawayan na lalaki na hindi niya girlfriend ang isa sa nga suspek at totoong kaibigan lang niya ang biktima.