Biliran student ng public apology: Hindi po ako kinidnap, walang puting van

NAG-PUBLIC apology ang isang mag-aaral mula sa Naval, Biliran matapos siyang mag-post ng video kung saan sinabi niya na muntik na siyang makidnap ng mga lalaki na sakay ng puting van.

“Hindi po totoong nangyari ‘yon, ‘yung kumakalat na van. At sorry po sa lahat,” ayon sa estudyante.

Aniya, pinagplanuhan niya ang paggawa ng video habang sakay ng tricycle.

“Pumunta po ako ng Almeria noon tapos nag-isip ako ng mga pwede kong (i-content sa vlog),” paliwanag ng mag-aaral.

Dagdag niya, hindi niya naisip na magkakaroon ng malaking epekto sa buong Naval ang kanyang ginawang pagsisinungaling.

“Gusto ko pong humingi ng pasensya doon sa mga taong naabala ko that time, nag-alala dahil po dun sa sinabi ko,” aniya.

“Sorry po, guys sa mga nagawa ko, especially dun sa family ko, sa friends and dun sa mga taong naabala ko–sa LGU. Sorry po… sorry, sorry, sorry sa mga nagawa ko,” sabi pa ng estudyante.