Ninakawan sariling bahay, kalaboso

HIMAS-rehas ang isang residente ng Silang, Cavite na nagtungo sa presinto para i-report na biktima siya ng akyat-bahay.

Agad namang nabisto ng mga otoridad na walang nakawan na naganap dahil ang residente mismo ang nagnakaw sa sarili nitong bahay.

Ayon sa Silang Police, Huwebes ng umaga nang dumulog sa himpilan ang lalaki at iniulat ang nangyari umanong nakawan sa kanilang bahay sa Brgy. Poblacion 3 noong Miyerkules ng hapon.

Bitbit pa nito ang CCTV kung saan makikita na isang naka-hoodie at baseball cap ang pumasok sa bahay.
Natangay umano ng kawatan ang P1 milyon cash at dalawang laptop.

Subalit sa pag-iimbestiga ng mga pulis ay lumabas na ang lalaki sa CCTV footage at ang nag-report ng nakawan ay iisa.

Agad ikinulong ang suspek matapos mabawi sa kanya ang pera at mga laptop.
Sinampahan siya ng reklamong robbery at perjury.