Magsasaka ginawan ng ataul 2 anak na nalunod

DAHIL sa kawalan ng pambili ng ataul, ang padre de pamilya na lang ang gumawa ng paglalagyan sa dalawa niyang anak na nalunod sa patubigan sa Bantay, Ilocos Norte kamakailan.

Ayon kay Federico Pido, nasawi ang kanyang mga anak, 5 at 7 anyos, sa lampas-tao na irigasyon sa Brgy. Naguiddayan nitong Huwebes.

Kuwento niya, pinatulog muna ng misis niya ang anim na anak bago nagpunta sa kapitbahay. 

”Nalaman lang ng misis ko noong may nakapagsabi na may nalunod sa irigasyon. Doon niya hinanap ang mga anak namin,” ani Pido na nasa bukid nang maganap ang insidente.

Bago ang trahedya, ayon sa ama, ay may nakakita sa dalawang bata na malapit sa irigasyon kaya pinauwi ang mga ito. Posible na patagong bumalik sa patubigan ang dalawa, dagdag niya.

Unang narekober ang katawan ng pitong-taong-gulang sa bahagi ng kanal sa kalapit na Brgy. Bulag East habang nakita ang katawan ng limang-taong-gulang sa Brgy. Malingeb.