Request ni Digong kay Sara: Kampanya vs droga ituloy sa DepEd

HINILING ni Pangulong Duterte kay Vice President-elect Sara Duterte na ituloy ang kanyang kampanya kontra droga sa Department of Education (DepEd) kung saan siya uupong bagong Kalihim.

“But this time, kung wala na ako, sabihin ko na lang kay Inday, ‘Take over. Ikaw na ang… Kunin mo ‘yang trabahong…’ Biro mo ‘yang Department of Education, maraming bata diyan. Do not ever allow contamination diyan sa ano. Gumamit ka ng…if you have to do it, do it,” sabi ni Duterte.

Tiniyak din ni Duterte na itutuloy niya ang kanyang gera kontra droga kahit na tapos na ang kanyang termino.

“Ako paalis na… In a few days, I will no longer be President. Pero itong mga droga ‘wag talaga silang…baka maglukso sila sa kaligayahan. I will continue to operate. Bahala na kung papaano basta I will continue to operate against the drug menace,” ayon pa kay Duterte.

Nakatakdang magtapos ang termino ni Duterte sa Hunyo 30, 2022.