Nagbitiw o sinibak?: Calida out na rin sa BBM Cabinet

NAGBITIW na rin sa kanyang pwesto bilang chairman ng Commission on Audit si dating Solicitor General Jose Calida.

Ito ang kinumpirma ngayong araw ni Executive Secretary Lucas Bersamin kasabay ang pagkumpirma na umalis na rin sa kanyang tungkulin bilang Press Secretary si Trixie Cruz-Angeles.

Si Calida ang ikatlong mataas na opisyal ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos ang nagbitiw. Noong isang linggo, nagbitiw naman si Executive Secretary Vic Rodriguez.

Ayon kay Bersamin, nagbitiw si Calida matapos hindi siya mapabilang sa 10 opisyal na ni-reappoint ni Marcos matapos ma-bypass sa Commission on Appointment.

Bago maging COA chair, si Calida ang SolGen ng Duterte administration. Ang kanyang tanggapan ay una na ring na-flag ng COA dahil sa P10.774 milyong excess honoraria at allowance para sa 15 nitong opisyal kabilang na siya.