Ama ng ‘middleman’ sa pagpatay kay Percy Lapid aprub sa independent autopsy

PAYAG sa independent autopsy ang ama ng umano’y middleman sa pagpatay sa brodkaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.

Inihayag ng ama ng nasawing si Jun Villamor na duda sila na natural cause ang ikinasawi ng anak sa loob ng New Bilibid Prison noong Martes, gaya ng iginigiit ng mga otoridad.

“Wala kaming pera kung kami lang, pero kung may makakatulong, tulungan na lang kami,” sabi niya sa isang panayam.

Muling itinanggi ng ama na sangkot ang anak sa pagpatay kay Percy Lapid dahil nakapiit ito.

Isiniwalat din nito na noong Oktubre 14 ay nakatawag pa sa kanya si Jun at sinabing nanganganib ang buhay nito sa bilangguan.

“Pagtawag niya sinabi na, ‘Tay, bigyan mo na lang mga pagkain ang mga anak ko.’ Papatayin daw siya sa loob at baka hindi na kami magkita,” dagdag ng ama.