Pustiso nalunok habang natutulog, babae nasawi

PATAY ang isang babae makaraan niyang malunok ang kanyang pustiso habang natutulog.

Ayon sa ulat, naitakbo pa sa pagamutan si Maria de Guzman, 48, ng Armenia, Colombia, pero hindi na naisalba ng mga doktor ang kanyang buhay.

Sinabi ng pulisya na habang natutulog si de Guzman ay natanggal sa pagkakakabit ang pustiso saka dumiretso at bumara sa lalamunan.

Noong una ay inakala lang ng mga kapamilya na naghihilik ang biktima kaya hindi nila ito pinansin.

Pero nang nagpatuloy ang ginagawang ingay ng biktima ay pinuntahan nila ito at nakitang wala na itong malay.

“Respiratory tract obstruction” ang ikinamatay ng biktima, ayon sa manggagamot.