18 patay sa gun attack sa Mexico

MAY 18 katao, kabilang ang isang mayor, ang nasawi ng paulanan ng bala ng mga hindi nakikilalang kalalakihan na sangkot umano sa drug cartel, sa San Miguel Totolapan, Guerrero state.

Ayon kay Prosecutor Sandra Luz Valdovinos sa panayam nito sa Milenio Television, 18 ang kumpirmadong nasawi sa gun attack, at isa na rito ay si Mayor Conrado Mendoza, habang dalawa pa ang sugatan.

Hindi naman kaagad matukoy ang motibo ng pamamaril na isinagawa umano ng Los Tequileros gang, na sinasabing konektado sa drug cartel na Jalisco Nueva Generacion.

Sa isang footage, makikitang pinauulanan ng bala ang town hall habang maririnig ang sigawan ng mga tao.

May 4,300 tao ang bayan ng San Miguel Totolapan sa hilagang bahagi ng Mexico, na may history ng matitinding awayan ng mga kartel.