Kakampink naghahanda na sa birthday rally ni Leni sa Pasay

SINIMULAN nang manawagan ng mga kakampink sa publiko para sa gagawing birthday rally ni presidential candidate Vice President Leni Robredo sa Sabado, Abril 23, sa Pasay City.

Magdiriwang ng kanyang ika-57 kaarawan si Robredo.

Ayon kay dating House Deputy Speaker Erin Tañada, ang nasabing rally ay inorganisa ng mga tagasuporta ni Leni bilang regalo sa kanya.

“Kahit birthday niya pinili niyang makasama ang taumbayan. Para sa kanya, ang pamilya nya ay ang mga kababayang Pilipino,” ayon kay Tañada.

Ang mga organizer, ayon kay Tañada, ay nagpahayag ng pag-asa na malalampasan ang lahat ng mga nakaraang political rallies ni Robredo sa dami ng mga dumalo.

“Makikita naman natin ito sa darating na Sabado,” ayon kay Tañada.

Hinikayat din ng mga organizer ang mga dadalo na tiyakin na may sapat silang tubig, pagkain na dala sa araw ng rally.