Birthday rally ni Leni umabot sa 400,000 – organizer

UMABOT sa mahigit 400,000 katao ang dumalo sa grand birthday rally ni presidential candidate Leni Robredo sa Pasay City nitong Sabado, ayon sa mga organizer ng event.

Ayon sa mga nag-organisa ng #ArawNa10to rally sa Macapagal, Diokno Avenue sa Pasay City, pumalo sa pinakamataas na 412,000 ang mga nagsidalo sa rally alas-7:30 ng gabi.

Dinaig nito ang 220,000 katao na dumalo sa grand rally ng tambalang Robredo at Kiko Pangilinan sa Pampanga kamakailan.