Yasmien binantayan inang nagda-dialysis

ILANG oras na binantayan ng aktres na si Yasmien Kurdi ang ina na dinala sa ospital para sumailalim sa hemodialysis.


Ibinahagi ni Yasmien sa kanyang Instagram account ang larawan niya na nagpapahinga na sa bahay at ng ina na si Miriam Yuson habang sumasailalim sa procedure.


“Finally home…sobrang pagod…ilang oras din kami sa ER from dialysis…” ani Yasmien sa caption.


Noong isang taon ay isinapubliko ng Kapuso actress na mayroon kidney disease ang ina at kinakailangan nito ang regular na dialysis habang naghihintay ng kidney donor.


“Nandito kami for my mom. Pinapadama talaga namin sa kanya na nandito kami, may pamilya sya, na hindi lang siya mag-isa and ayun, happy ako dahil marami kami nandito, marami akong karamay para harapin ko ‘to,” sabi niya sa isang panayam.


“Ang hirap lang makita ‘yung mahal mo sa buhay na nagkakaganun ang ‘yung nararanasan niya. ‘Yung hirap ay hindi ko kaya, parang nadudurog lang talaga ‘yung puso ko,” wika pa ni Yasmien.