Masahista ginahasa, hinoldap sa motel

HIMAS-REHAS ang habal-habal driver na gumahasa at nangholdap umano sa babaeng masahista sa motel sa Santa Cruz, Maynila noong isang buwan.

Nadakip ang suspek, na hindi pinangalanan, nang mahulihan ng droga nitong weekend.

Sa presinto, kinilala ng masahista ang suspek na gumahasa at nangholdap sa kanya noong isang buwan.

Ayon sa pulisya, nadatnan ng mga kawani ng motel ang biktima na nakatali ang mga kamay at paa sa kuwarto na nirentahan ng suspek noong gabi ng Abril 25. May busal din ang bibig ng biktima.

Sinabi ng biktima na inupahan siya ng suspek para sa masahe pero sa gitna ng sesyon ay naglabas ng patalim ang lalaki.

Iginapos siya nito, ginahasa saka kinuha ang pera at cellphone niya bago tumakas.

Palusot ng suspek, natagpuan lang niya ang patalim sa ilalim ng kama.

Aniya, iginapos niya ang babae dahil padagdag ito nang padagdag sa bayad sa masahe.

“Tinali ko po, pero kumbaga nataranta po ako noon eh, para hindi po siya makapagwala,” depensa ng suspek.

“Hindi ko po siya hinoldap. Siya lang po ‘yung nagpapadagdag nang nagpapadagdag,” dagdag niya.