Sundalo humingi ng tubig, namaril ng 3

TINUTUGIS na ng pulisya ang sundalo na bumaril sa tatlong magkakapamilya na hiningian niya ng tubig sa Kapalong, Davao del Norte nitong Huwebes.


Nasawi ang isa sa mga biktima habang sugatan ang dalawa.


Kinilala naman ang suspek na si Christopher Saranio ng 60th Infantry Battalion at residente ng Doña Andrea, Asuncion, Davao del Norte.


Ayon sa ulat, natutulog ang mga biktima sa kanilang bahay sa Sitio Matol alas-10 ng gabi nang magising sila sa sunod-sunod na katok.


Nang pagbuksan ng pinto ay bumungad sa kanila si Saranio na humihingi ng maiinom.


Matapos makainom ay pinagbabaril ng sundalo ang mga biktima.


Nasawi noon din si Diether Superable, 19 habang naitakbo sa ospital sina Eugene Superable at Felix Lantapon.


Ayon sa mga saksi, tumakas ang suspek kasama ang hindi nakilalang indibidwal makaraan ang insidente.
Inaalam pa ng mga otoridad ang motibo sa pamamaril.