Snatcher kinagat estudyanteng dinukutan

SHOOT sa selda ang babaeng snatcher na nadakip makaraan niyang pagtangkaang dukutan ang isang college student sa harap ng Cebu South Bus terminal sa Cebu City nitong Biyernes, iniulat ng pulisya.


Itinanggi naman ng suspek, 50, na pinagtangkaan niya ang cellphone ng 22-anyos na estudyante.


Giit niya nakatambay siya sa lugar nang makitang bukas ang bag ng isang babae.


Nilapitan niya ito para tingnan lang ang laman ng bag pero nakita siya ng estudyante.


Bago pa siya nakapagpaliwanag ay inipit ang kanyang leeg ng estudyante gamit ang braso kaya kinagat niya ito.


Ayon naman sa pulisya, nagtatakbo ang suspek pero agad din itong nakorner ng mga nakasaksi sa pangyayari.


Pursigido naman ng biktima na sampahan ng reklamo ang kawatan.


Aniya, hindi nakuha ng suspek ang cellphone niya dahil agad niyang naramdaman ang paggapang ng kamay nito sa bag niya.